Inihayag ng Department of Migrant Workers nitong Miyerkules na dumating na sa Pilipinas ang nasa 37 na mga overseas Filipino workers mula sa Israel at ayon sa ahensya, ito na ang pang-13 batch na repatriates na binubuo ng 31 na caregivers at anim na hotel workers.
Batay sa datos mula sa DMW, nasa 413 na OFW na ang nakabalik sa bansa simula nang magkaroon ng kaguluhan sa Israel dahil sa pag-atake ng teroristang grupong Hamas.
Bawat OFW ay makakatanggap ng P125,000 na tulong mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Adminstration at Department of Labor and Employement.
Nakatanggap din ang mga ito ng noche buena package mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office at dagdag na tulong mula sa Technical Education, Skills Development Authority at Department of Social Welfare and Development.
Samantala, inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, ang 1348 hotline na magsisilbing helpline ng mga OFWs at ayon sa Pangulo, bukas ang hotline 24/7 upang pagserbisyuhan ang mga OFW na hihingi ng tulong sa pamahalaan.
Kabilang sa tulong na maaaring maipagkaloob ng 1348 hotline ay ang legal assistance para sa mga OFW gayundin kung kailangan ng rescue, repatriation at counselling.
Ang hotline 1348 ay nasa ilalim ng one repatriation command center.
Pagtiyak pa ng Pangulo sa mga OFW, handa ang pamahalaan na ipagkaloob ang kailangang tulong sa mga Pinoy na nagtatrabaho abroad sa gitna ng malaking kontrbusyon nito sa bansa.
“Marami pang proyekto ang nakapila, at kahit ang mga kasalukuyang programa ay pagagandahin pa natin. Umaasa po akong susulitin ninyo at gagamitin ng wasto ang mga benepisyong ito. Kasabay ng pagkayod ninyo sa ibayong dagat para sa mas magandang buhay ng inyong pamilya, ay ang aming pagsisikap na magpaunlad pa lalo sa ating bansa upang sa inyong pagbabalik ay makita ninyo ang malaking pagbabago,” saad ni Marcos.