Inalis na sa puwesto ang dalawang pulis ng Quezon City Police District na sangkot umano sa pagpapakalat ng crime scene video ni Ronaldo Valdez.
Ayon kay Philippine National Police spokesperson Col. Jean Fajardo, sinabi sa kanya ni QCPD chief Police Brig. Gen. Rederico Maranan na sinabak na sa puwesto ang first responder at station commander niya.
“Kausap ko kanina si district director at ni-relieve na po niya ‘yung first responder at kaniyang station commander para tignan ang liability,” saad ni Fajardo sa isang press briefing.
Dadgag niya, ang naturang video ay dapat lamang gamitin para sa dokumentasyon at hindi dapat kumalat sa social media.
“This is a regrettable incident na hindi dapat kumalat sa social media. Kung ito ay kuha ng ating first police responders for documentation purposes, wala po sanang naging problema,” sabi ni Fajardo.
Kaugnay nito, sinabi ni Fajardo na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang QCPD sa PNP Anti-Cybercrime Group upang tukuyin kung sino-sino ang nagbahagi ng naturang video sa social media.
“I don’t want to preempt the ongoing investigation but suffice it to say na nasabi ng district director ng QCPD na they are coordinating with ACG to identify kung sino ‘yung mga nag-share ng videong ito,” saad ng PNP spokesperson.
Makikita sa naturang video na kumalat sa Facebook at Facebook Messenger ang aktor na duguan at nakaupo sa isang upuan malapit sa kanyang kama, habang may hawak na baril sa kanang kamay. Makikita rin sa video kung paano siya inilipat sa stretcher at binuhat pababa ng hagdan.
Kasalukuyang hawak na ng QCPD ang dalawa umanong sangkot na pulis sa pagkalat ng video at nahaharap sa reklamong kriminal at administratibo.