Isang babaeng rider ang nasawi matapos sumemplang ang kanyang minamanehong motorsiklo sa probinsya ng Bataan.
Kinilala ng pulisya ang nasawi bilang si si Amor Marie Gerona na residente ng Barangay Camayan sa Mariveles, Bataan at ayon sa imbestigasyon, binabaybay umano ng rider ang kalsada sa Barangay Maligaya nang bigla siyang mawalan ng kontrol sa motorsiklo na dahilan ng kaniyang pagsemplang.
Tumilapon ang biktima at bumangga sa kongkretong center lane ng kalsada kung saan nagtamo siya ng matinding sugat sa ulo at katawan na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.
Sa ibang balita, nasawi naman ang isang babaeng kinilalang si Estrella Dejan nang mabundol siya ng motorsiklo habang tumatawid sa Barangay Antonino sa Dolores, Quezon.
Ayon sa pulisya, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nagkaroon nang hindi pagkakaintindihan ang biktima at ang rider bago mangyari ang insidente.
“Tumigil siya [biktima] then yung motorsiklo din naman po tumigil. Ang pagtataka lang nila nung umabante, biglang lang lumakad yung… nagtuloy sa paglakad yung biktima (at) sumunod din ng andar, arangkada yung motorsiklo. Doon na po nabangga,” sabi ni PSMS Raymond Ramos, Investigator on case, Dolores Municipal Police Station.
Nabagok ang ulo ng biktima na dahilan ng kaniyang pagpanaw.