Inanunsyo ni Senador Francis Tolentino nitong Martes na bibitawan na niya ang pamumuno sa makapangyarihang Senate blue ribbon committee at babakantihin din niya ang posisyon bilang kasapi ng Commission on Appointments na sumasala sa mga kalihim na itinatalaga ng pangulo.
“In fulfillment of a sacred commitment to serve as Blue Ribbon Committee Chairman and Member of the Commission on Appointments for a concise term of one and half years, I find it both duty and an honor to uphold the essence of a prior agreement. This decision is rooted in a deep-seated belief that public office demands fidelity to pledges made,” saad ni Tolentino.
Dagdag niya, pagtitibayin ang kaniyang pagbibitiw sa plenaryo. Pero nakabakasyon pa ang Kongreso hanggang sa January 22,2024.
Sinabi ng senador na bago siya nahirang na pinuno ng Blue Ribbon committee at miyembro ng CA, may kasunduan sa liderato ng Senado ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isa’t kalahating taon lang siyang mauupo sa nasabing mga posisyon.
Bukod sa naturang kasunduan, sinabi ni Tolentino na may kinalaman ang kaniyang re-election bid sa 2025 at ang pagiging chairman ng Senate special committee on maritime and admiralty zones, sa pasya niyang iwan na blue ribbon panel at CA.
Gayunman, mananatili umano siya bilang chairman ng Blue Ribbon committee hangga’t wala pang napipiling kapalit niya.
Sa ngayon, sinabi ni Tolentino, wala pang pasya kung sino ang magiging bagong pinuno ng nasabing komite, at CA.