Inihayag ng Quezon City Police District nitong Martes na isinailalim sa paraffin test ang lahat ng tao sa bahay ng yumaong aktor na si Ronaldo Valdez bilang bahagi ng standard operating procedure sa imbestigasyon.
Ayon sa QCPD, may nakita kasing baril sa bahay kaya minarapat nilang isailalim sa paraffin test ang mga ito.
Kung matatandaan, iniulat na may tama ng bala ng baril at walang malay ang aktor na si Ronaldo Valdez nang matagpuan sa loob ng kuwarto ng kaniyang bahay sa Quezon City nitong Linggo ng hapon.
Isinugod ang aktor sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Ayon kay Police Major DonDon Llapitan, hepe ng CIDU-QCPD, na nakita sa loob ng kuwarto si Rolando na wala nang malay at may tama ng bala ng baril. Nakaupo umano ang aktor nang matagpuan at nasa kamay niya ang isang baril.
Sa isang pahayag na inilabas ng QCPD nitong Lunes ng umaga, inihayag nito na nagsasagawa sila ng masusing imbestigasyon tungkol sa nangyari kay Ronaldo pero hindi umano ito indikasyon na may kinalaman sa insidente ang mga isinailalim sa paraffin test, ayon sa ulat.
Hinihintay pa ang resulta ng paraffin at ballistics test.
Sa pahayag ng QCPD, sinabi nito na maglalabas sila ng opisyal na pahayag kapag natapos na ang kanilang imbestigasyon.