Inihayag ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na nais niyang ipagbawal nang tuluyan ang mga paputok sa mga komunidad sa buong bansa at sa halip ay magkaroon na lang fireworks display ang mga lokal na pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Abalos na ilang lokal na opisyal ang nagpatupad ng total ban sa mga paputok at naglagay na lang ng designated area para sa fireworks display.
“Marami naman tayong mga lungsod at mga munisipyo na mayroong ganito. Sana lahatin na natin. Kaya ako ay nananawagan sana naman magkaroon na tayo ng ganitong ordinansa,” saad ni Abalos.
“Anyway, kaya naman i-celebrate ang Bagong Taon nang maayos. Magkaroon ng fireworks display na lamang sa mga munisipyo sa isang lugar at maiwasan natin iyong ganitong disgrasya,” dagdag niya.
Kung matatandaan, sinabi ng Department of Health na nakapagtala ng 291 fireworks-related injuries mula December 21, 2022 hanggang January 5, 2023.
Mas mataas ito ng 55 percent kumpara sa 188 cases na naitala sa kaparehong panahon para sa 2021-2022 New Year celebration.
Nitong Linggo, dalawa ang nasawi nang masunog ang isang truck na may kargang mga paputok habang nakaparada sa BFCT East Metro Transport Terminal sa Calumpang, Marikina.