Inihayag ng Philippine National Police nitong Lunes na nananatiling maayos at mapayapa ang sitwasyon kasabay ng nagpapatuloy na tigil-pasada ng ilang transport group.
Sinabi ni PNP Public Information Office acting chief Police Colonel Jean Fajardo na wala silang na-monitor na anumang seryosong insidente na may kinalaman sa tigil-pasada sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Dagdag niya, mananatiling nakabantay ang PNP hanggang sa pagtatapos ng strike sa Disyembre 31 at patuloy din silang magde-deploy ng mga sasaskayang magbibigay ng libreng sakay.
“Wala tayong naitala na anumang major untoward incident at umaasa nga tayo sa kabuuan nung kanilang protest rally ay wala naman tayong mae-encounter na any major problems at yun ang ipinagpapasalamat natin sa kanila dahil sumunod sila sa naging usapan natin na magiging mapayapa yung gagawin nilang protesta,” aniya.
“Tuloy tuloy yung ating pagdedeploy ng ating mga mobility assets, yung ating mga mobility patrol dahil nabanggit na magtutuloy tuloy itong kanilang protest action hanggang katapusan ng taon na ito so kasabay na yan nung ating maximum deployment para na rin sa holiday season and of course diyan sa nagpapatuloy na rally ng ating mga tsuper at operator,” dagdag ni Fajardo.
Naging maayos din ang pagsisismula ng Simbang Gabi at walang naitalang untoward incidents ang PNP pero paglilinaw no Fajardo, hindi sila nagpapakakumpiyansa.
“Ang lagi pong ini-istress ng ating Chief PNP ay hindi tayo mag-lower ng ating mga vigilance at i-maintain yung proactive stance natin, yung ating enhanced managing police operations particularly doon sa mga areas na ineexpect natin na dadagsain ng ating mga kababayan,” sabi ni Fajardo.