Nitong Lunes ay ikinasa na ang dalawang linggong transport strike ang mga transport groups upang kalampagin ang pamahalaan na ipagpaliban nito ang deadline ng consolidation para sa Public Utility Vehicle modernization program na magtatapos sa Disyembre 31.
Kung sakaling matuloy at hindi na mapalawig pa ang deadline ng consolidation, tatamaan ang nasa mahigit 60,000 pampublikong sasakyan na maaaring ma-phase out kasunod ng paglabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng kautusan na bawiin ang mga prangkisa ng mga unit na hindi susunod sa consolidation requirement.
Sa ulat nitong Disyembre 12, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 70 percent na umano ng operator ang nag-consildate sa ilalim ng nasabing transportation program. Batay sa datos ng LTFRB at Department of Transportation, 53,787 sa 222,617 unit na ang nakapag-comply sa naturang consolidation.
Giit ng mga nagpoprotestang grupo, ‘misleading’ ang datos na ito dahil ipinapakita nito ang kabuuang bilang ng mga PUV na nakapag-comply na — kabilang ang mga bus, minibus, at UV Express yunit–at siyang hindi nakasentro sa bilang ng mga dyip.
Matagal nang problema ang pahirapang pag-aabang sa mga pampublikong sasakyan lalo tuwing rush hours kung saan sangkaterbang mga komyuter ang nakaabang sa kalsada ng ilang oras upang makasakay.
Bukod pa diyan, ilang mga pampublikong sasakyan rin ang halos dilapidated na at ang ilan naman ay palaging nahuhuli dahil sa smoke belching, kaya naman ninais na ng pamahalaan na gawing moderno ang mga pampublikong sasakyan.
Pero ang hiling lamang namin, kailangang tiyakin ng pamahalaan na makakasabay ang lahat ng jeepney operators at drivers sa gagawing pagbabago at kailangan rin na may sapat na pumapdrino sa pagitan ng pamahaalaan at mga drayber — community mobilizers, kumbaga — na silang magpapaliwanag sa mangayayaring modernisasyon, at magtitiyak na nauunawaan ito ng mga drayber.
Dapat ding tiyakin ng gobyerno na matutulungan nila ang lahat ng drayber na makasama sa pagbabagong ito at siguruhin nilang hindi hilaw ang plano nang sa gayon ay walang drayber ang mawawalan ng hanapbuhay.
Hangga’t hindi pa hinog ang plano, huwag muna sanang itulak ang inaasam na pagbabago dahil marami ang maapektuhan — ang mga pasahero, drayber, at sikmurang pinapakain nila.
Sa kanilang inaasam na modernisasyon, tiyakin nilang hindi lang ito para sa kaginhawaan ng iilan, sa halip, dapat itong inklusibo para sa lahat at walang napag-iiwanan.