Dalawang magkahiwalay na insidente ng pagguho sanhi ng malalakas na mga bagyo ang kumitil ng 16 buhay nitong Sabado.
Sa siyudad ng Bahia Blanca sa Argentina, 13 tao ang nabagsakan ng bumagsak na bubong sa isang sports club na pinagdarausan ng kompetisyon sa skating, ayon sa Agence France-Presse.
Kinumpirma ng mga sources sa opisina ng mayor ang pangyayari at tumutulong ang mga bumbero sa paghukay ng mga natabunang mga tao sa Bahiense del Norte club.
May lakas na 140 kilometro kada oras ang lakas ng hangin na tumama sa lugar.
Samantala, isang bahagi ng pader ng makasaysayang siyudad ng Kairouan ang bumagsak rin sa tatlong mason na nagkukumpuni sa UNESCO World Heritage Site, sabi ng kinauukulan ng Tunisia.
Dalawa pang manggagawa ang nasaktan dahil sa pagguho ng 30 metrong haba ng 6 metrong taas na pader na pumapalibot sa lumang siyudad, pahayag ni Moez Tria, tagapagsalita ng Civil Protection department.
Mauugnay ang pagguho sa malakas na ulan sa lugar sa mga nakalipas na araw.
Itinatag ang Kairouan noong 670 AD at isa ito sa mga banal na siyudad sa Hilagang Aprika na dinarayo ng maraming turista.