Dalawang indibiduwal ang namatay matapos umanong sumabog ang isang cargo truck sa Marikina City nitong Linggo.
Batay sa mga paunang imbestigasyon, galing Taytay, Rizal ang truck at tumigil muna sa isang terminal sa Barangay Calumpang para magpahinga nang mangyari ang insidente.
“Kausap ko ‘yong dalawang driver… pag-upo ko, segundos lang, biglang sumabog, ‘yong nakatama sa dalawa na ‘yan ‘yong siding ng truck nila. Doon sila natamaan ng injury,” saad ng isang testigo na kinilalang si Romel Escalda.
Limang tao naman ang nasugatan sa pagsabog habang nasunog naman ang isang kalapit na bus na walang pasahero.
Sinabi naman ni Police Brig. Gen. Wilson Asueta, Eastern Police District director, firecrackers sa loob ng cargo truck ang sanhi ng pagsabog.
“I think wala itong permit, itinago nila sa loob ng truck,” sabi ni Asueta. “Alam naman nila na ang kasama sa cargo ay mga combustible material, ito ay mga tela at may mga cardboard, may makina pa sa loob, so lahat ng elemento na puwedeng masunog ay nandyan na.”
Giit pa ni Asueta, ipinagbabawal ang pag-transport ng firecrackers sa mga public utility at cargo vehicle.
Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang pananagutan ng may-ari ng truck. Inaalam na rin kung saan nanggaling ang mga paputok na sanhi ng pagsabog.