Sa mga hindi pa nakaaalam, may bagong ahensya ang gobyerno. Ito ay ang E-commerce Bureau na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry.
Itinatatag ang nasabing bureau alinsunod sa bagong batas na Internet Transactions Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Disyembre 5. Ang batas ITA ay magiging epektibo sa Disyembre 20. Matapos ang 90 araw mula sa araw na iyon, magkakaroon ng implementing rules and regulations ito. May 18 buwan naman ang lahat ng negosyong sakop ng batas na makasunod sa mga panuntunan ng ITA.
Layunin ng bagong batas na mapangalagaan ang mga karapatan ng mga mamimili sa mga online na pamilihan, lalo na sa mga unfair trade practices. Marami ring mga mandarayang nagtitinda sa mga kilalang palengke sa Internet at hirap ang mga biktima na habulin sila dahil walang mga patakaran at kinauukulan para sa kanilang uri ng reklamo.
Hindi tulad sa tradisyunal na pamilihan, madaling magreklamo ang mamimili kung depektibo ang produktong ibinenta sa kanila. Pupunta lamang sila sa mismong tindahan at maaari nilang mapapalitan ang depektibong produkto.
Ngunit kung ang produkto ay nabili sa isang online na tindahan, hindi ito personal na nasusuri ng mamimili. Malalaman na lamang nila na depektibo ito kapag naihatid na sa kanila at gamitin. Maari naman silang makipag-ugnayan sa nagtitinda sa pamamagitan ng pag-chat sa vendor ngunit may pagkakataon na hindi agad matutugunan ang reklamo o tanong sa iba-ibang kadahilanan. Karaniwan ay hindi na naipapalit ang sirang nabili o hindi na naibabalik ang pera ng namili.
Mayroon ding pagkakataon na peke ang nagtitinda at maloloko at mananakawan ng pera ang namili dahil hindi nito matatanggap ang binili matapos magbayad.
Isang katiwalian ng mga nagtitinda sa dalawang kilalang online marketplace ay ang pag-aalok ng mga merchant nila ng napakamurang gadget ngunit ang ipadadala sa mga namili ay ang tinatawag na mystery box na ang laman ay hindi ang inaasahang binili kundi iba-ibang produkto. Maaaring ito ay mga surplus o mga hindi nabiling merchandise ng nagtitinda na dinidispatsa na lamang sa baratilyong presyo upang mabawasan ang lug isa puhunan.
Isang uri ito ng panlilinlang sa mga consumers at dapat matigil, ngunit sa halip ay hinahayaan ng mga online na pamilihan. Bagaman maaaring ibalik sa nagtinda ang maling pinadala, ito ay malaking abala at aksaya ng panahon. May mga hindi na nakakapagpabalik ng maling ibinenta at nasayangan ng pera.
Dapat itong tugunan ng bagong ahensyang E-Commerce Bureau.