May bagong programa ngayon ang Social Security System para sa mga retiradong-pensyonado. Inilunsad ng SSS ang pautang na may mababang interes para sa mga nangangailangan ng madaliang tulong pinansyal upang hindi na sa lending mangutang na may mataas na interes.
Ang interes sa Pension Loan Program ng SSS ay 10 porsyento kada taon na computed batay sa diminishing principal balance na mas mainam kaysa sa ibang nagpapautang.
Hindi rin kailangang ibigay ang ATM card ng pensyonado bilang kolateral na kalakaran sa mga nagpapautang ngayon.
Wala ring singil sa pagproseso ng utang at 1 porsyentong service fee, ayon sa pangulo ng SSS na si Rolando Macasaet.
Ang mga kwalipikadong mangutang ay makakahiram ng hanggang tatlo, anim, siyam o labingdalawa ang laki sa buwanang pensyon nila o hanggang P200,000.
Sa pagbabayad naman ng utang sa PLP, makakasiguro ang nangutang na may matitirang halos kalahati ng buwanang pensyon nila kapag nagsimula na silang magbayad ng buwanang amortisasyon sa utang.
Samantala, naglunsad naman ang Department of Social Welfare and Development nitong nakaraang linggo ng programang sosyal na pensyon para sa mga nakakulong sa bilangguan ng Puerto Princesa City sa Palawan.
Natukoy ng DSWD ang di bababa sa 400 na senior citizen na preso ng nasabing kulungan ang maaaring mabigyan ng pensyon na nagkakahalaga ng P500 kada buwan o P6,000 kada taon.
Bagaman maliit ang halaga ng pensyon, maigi na itong pandagdag na pantustos ng mga matatandang preso upang may magagamit sila kahit paano para sa kanilang pangangailangan o pambili ng gamot.
Dapat pasalamatan ang DSWD sa pagsisimula ng kakaiba ngunit mahalagang benepisyo para sa mga bilanggo na kailangan din naman ng tulong pinansyal katulad ng mga senior citizen na hindi nakatira sa preso.
Marahil, paglaon, ay mataasan pa ang pensyon para sa mga bilanggong senior citizen upang makaranas sila ng kaunting kaginhawaan o kakayahan na tulungan ang sarili nila lalo na para sa kanilang kalusugan.
Magandang pamasko ang mga bagong programa ng SSS at DSWD para sa mga matatanda, lalo na iyong wala nang pangkabuhayan o nag-iisa na lamang at umaasa na lamang sa kanilang sarili.
Sana ay tuloy-tuloy ang mga programa upang tamasain ng mga matatanda ang benepisyo.