Sang-ayon si coach Steve Kerr ng Golden State Warrior na patawan ng indefinite suspension ang kanilang star player na si Draymond Green, ang unang ganoong parusa sa kasaysayan ng National Basketball Association.
“Iyon ay pagkakataon para kay Draymond na magbago ng pakikitungo niya sa buhay, na hindi madaling gawin,” pahayag ni Kerr nitong Huwebes, ayon sa Agence France-Presse.
Naglabas ng saloobin si Kerr isang araw matapos anihin ni Green ang parusa dahil sa ikatlong sunod na pagkakatanggal niya sa laro matapos ang flagrant foul kay Jusuf Nurkic ng Phoenix Suns sa laro nila nitong Martes.
Nag-indayog ng malakas si Green at tinamaan niya sa ulo si Nurkic na ikinatumba nito.
Bago ang pagkakatanggal niya sa larong ikinatalo ng Warriors, 116-119, pinatawan rin siya ng limang larong suspensyon dahil sa pag-headlock niya kay Rudy Gobert ng Minnesotta Timberwolves.
Nitong nakalipas na taon, sinuntok rin ni Green ang teammate na si Jordan Poole.
Ayon kay Kerr, makatarungan ang mas matinding parusa ng NBA kay Green dahil sa 5-game suspension.
“Hindi naman pwedeng patawan siya ng limang larong suspensyon at magiging okay na siya,” pahayag ni Kerr.
“Ang kasagutan ay tulungan si Draymond at ibigay ang tulong na kailangan niya, ang pagkakataon na magbago siya na makatutulong hindi lamang sa sarili niya at sa team kundi sa kanyang buhay,” dagdag ng coach ng Golden State.