Isang lalaki ang sugatan matapos umanong pagsasaksakin ng samurai matapos nitong asarin ang kanyang kasama sa Navotas City nitong Huwebes ng umaga.
Nasapul sa kuha ng CCTV ang nangyaring pang-aasar umano ng biktima sa suspek sa kalsada ng Barangay NBBS Proper.
Sa video, makikitang naglalakad mula sa magkabilang direksyon ang suspek na nakadilaw at biktimang walang damit. Nang salubungin ng biktima ang suspek ay pinagsusuntok niya ito hanggang mapunta sa gilid ng kalsada ang suspek.
Dumating naman ang ilan pang kabataan at nakitang lumayo na ang suspek na nakadilaw pero sinundan pa rin siya ng lalaking sumuntok sa kanya. Hindi naman na nasapul pa sa CCTV ang mga sumunod na pangyayari.
Ayon sa pulisya, matapos ang engkwentro nila sa kalsada ay pinagsasasaksak ng lalaking nakadilaw ang lalaking nanuntok sa kanya.
“Nang magkita itong magkaibigan, bigla na lang sinapak nitong nambu-bully itong suspek, kaya napuno itong suspek at umuwi ng bahay at kumuha ng samurai at sinaksak sa likod ang victim,” saad ni Police Lieutenant Ramil Rumbawa, duty officer ng Navotas City Police Station.
“Ang pinag-ugatan po talaga ng insidenteng ito ay pambu-bully ng biktima,” dagdag niya.
Isinugod naman sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng maraming sugat sa kanyang likod.
Inamin naman ng suspek ang ginawang panananaksak dahil makailang beses na umano siyang inaasar ng lalaki, at matapos ang engkwentro nila sa kalsada ay nagdilim na ang paningin niya.
Dahil sa nangyari, nahaharap sa reklamong frustrated murder ang suspek. Samantala, magsasampa din daw ng kaso ang suspek laban sa biktima dahil sa pangbu-bully niya.