Sa kabila ng naka-ambang tagtuyot sa susunod na taon dulot ng El Nino kasabay ng climate change, tila hindi magkukulang ng tubig ang mga residente ng Metro Manila at mga magsasaka sa Gitnang Luzon.
Nitong Miyerkules lang ay pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Balbalungao Small Reservoir ng Department of Agriculture at National Irrigation Authority sa Barangay San Isidro, Lupao, Nueva Ecija.
Ang nasabing pasilidad sa patubig na itinayo sa halagang P1.2 bilyon ay hindi lamang pakikinabangan ng mga magsasaka para sa pagpapalago ng 900 ektaryang bukirin sa mga barangay ng San Isidro, Balbalungao, Salvacion at Mapangpang. Ito ay nagsisilbi ring hydroelectric power generator para magkaroon ng kuryente sa nasabing pook at pang-kontrol ng pagbaha ng Ilog Balbalungao para sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Kahapon naman, pinasinayaan rin ni Pangulong Marcos ang bago at ikatlong Water Treatment Plant ng Maynilad, ang taga-supply ng tubig sa mga kabahayan sa kanlurang bahagi ng Metro Manila.
Ang nasabing pasilidad sa Poblacion, Muntinlupa City na ginastusan ng P11 bilyon ay magdadala ng 50 milyong litro ng tubig bawat araw mula sa lawa ng Laguna.
Ito ay panimula lamang. Sa susunod na taon ay kaya na nitong mag-supply ng 150 milyong litro kada araw para sa pangangailangan ng mga residente ng Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa at Cavite.
Samantala, may kapapasok lang na bagyo sa bansa at pinangangambahang magdadala ito ng mapaminsalang ulan sa rehiyong Bisaya at Mindanao sa susunod na linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Sa hilaga at gitnang Luzon naman ay iiral ang Amihan at magdadala ng mahinang pag-ulan sa Cagayan Valley at mga probinsya ng Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora at Quezon.
Manakanaka naman ang pag-ulan sa rehiyong Ilocos, Cordillera at Gitnang Luzon.
Bagaman maaaring magdulot ng mapamnsalang pagbaha ang tubig ulan na dala ng bagyo, mas maigi pa rin ito sa tubig-dagat na ibinobomba sa mga Pilipinong naglalayag o namamangka sa West Philippine Sea upang mangisda o magdala ng pagkain at tubig-inumin sa mga tropang marino na nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ang tubig na kinuha sa sarili nating teritoryo at ipinupukol sa atin ng mga barko ng Chinese Coast Guard ay karahasan at kapangahasan na hindi karapat-dapat danasin ng mga Pilipino.
Katanggap-tanggap na pampawi ng uhaw ang tubig na galing sa sarili nating kalikasan, hindi ang tubig na panghampas ng marino at nakasasakit.