Hindi na naman umano sumipot si dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes sa nakatakdang pagdinig kaugnay sa kasong grave threats na isinampa ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro nitong nakaraan.
Ayon kay Castro, tanging ang mga abogado lamang ng dating Pangulo ang naghain ng kanyang counter-affidavit sa harap ng isang prosecutor sa Davao City.
“Hindi na naman dumating si dating Pangulong Duterte. Meron silang binigay na manifestation narinig ko lang dahil malayo daw ‘yung lugar,” sabi ni Castro.
Dagdag pa niya, ang Quezon City Prosecutor ay maglalabas ng resolusyon sa kaso sa susunod na buwan.
“Napakahalaga nito. Siguro biro lang kay dating presidenteng Duterte ‘yung sinasabi niyang mga threat, pambabastos sa kababaihan at iba pang ano-anong sinasabi niya – red-tagging at whatever – pero this time, sineseryoso na natin siya. Dapat ang hustisya natin, ‘yung justice system natin ay pumabor sa kaso,” saad ni Castro.
Kung matatandaan, sa kanyang orihinal na complaint-affidavit, iginiit ni Castro na pinagbantaan umano ng dating Pangulo ang kanyang buhay kasunod ng mga naging pahayag nito sa isang TV program Gikan sa Masa, Para sa Masa sa SMNI News Channel noong October 11, 2023.
Sa nasabing episode, ibinahagi ni Duterte ang kanyang payo sa kanyang anak na si Vice President Sara Duterte kung paano gamitin ang kanyang confidential at intelligence funds.
“Pero ang una mong target d’yan [sa] intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga Komunista ang gusto kong patayin,” sabi ni Duterte.
Bagama’t binanggit lamang sa pahayag ang “France,” sinabi ni Castro na ang mga pahayag ng dating Pangulo ay ginawa bilang reaksyon sa kanyang pagsisiyasat sa confidential funds ng Bise Presidente na humantong sa realignment ng P650 milyong halaga ng confidential at intelligence funds sa 2024 budget.
Naghain rin si Castro ng supplement complaint-affidavit na nagbibintang na muling binantaan ni Duterte ang kanyang buhay sa kanyang TV program na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” na ipinalabas sa SMNI noong Nobyembre 16.
“Do not think, France na you have already—na may armor ka na dahil congresswoman ka, member ka ng Congress, na hindi ka na—na you are no longer—na hindi ka na vulnerable sa galit ng—karami namatay dyan na…pati pulis dahil sa inyo,” saad umano ng dating Pangulo.
“Kaya ikaw France, how do you solve the problem now? Kaya yun statement ko yun komunista dapat patayin, kasali ka, dapat!” dagdag niya.
Ayon kay Castro, ang mga pahayag ni Duterte ay “nagbanta na magdulot ng isang krimen” sa kanyang katauhan at karangalan at “nagsasabi ng mga banta ng pagpatay o kamatayan.”