Isang rider ang nasawi habang sugatan naman ang angkas nito matapos bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang bus sa Malvar, Batangas at ayon sa pulisya, nasa right of way ang mga biktima.
Sinabing nangyari ang insidente kaninang 2 a.m. sa Barangay Santiago sa bayan ng Malvar at batay sa imbestigasyon, patungo ang motorsiklo sa Tanauan nang biglang kumaliwa ang bus na patungo sa isang compound.
Isinugod sa ospital ang rider pero binawian rin ng buhay habang sugatan ang kaniyang angkas at paliwanag naman ng driver ng bus, hindi niya napansin ang paparating na motorsiklo na nasa kabilang bahagi ng kalsada.
“Pagkaliwa niya doon, nagkaroon ng collision. Kasi hindi niya inanticipate na may parating na motor. Right of way ng motor ‘yon so ang hindi talaga nagbigay doon. Ang nakikita ko, yung suspek natin, yung bus. Kasi bago tayo lumiko, dapat clear ang kaliwa’t kanan,” sabi ni Police Staff Sergeant Ariel Hidalgo, Investigator, Malvar Police Station.
Kasalukuyang nakadetine ang driver ng bus, habang sinisikap pang makuhanan siya ng pahayag, pati na ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.