Sa kalaboso ang bagsak ng isang babaeng nambubugaw umano ng mga menor de edad matapos itong mahuli sa ikinasang entrapment operation kung saan nasagip rin ang aabot 13 tao — kasama ang limang menor de edad.
Batay sa mga ulat, naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang nasabing bugaw na kinilalang si “Sally” sa isang resort sa Bulacan.
Ayon sa NBI Anti-Violence Against Women and Children division, binebenta umano ng suspek ang mga biktima sa mga nagpanggap na parokyano sa halagang P7,000 kapalit ng pakikipagtalik.
Pero itinanggi ng suspek ang mga paratang laban sa kaniya.
“Sila yung lumapit sa akin… hindi ko alam na minor sila,” aniya.
Pero ayon kay alyas “Angela,” isa sa mga biktima, ang suspek mismo ang nag-recruit sa kanila at sinabihan silang Christmas party ang pupuntahan.
Ayon sa NBI, isinumbong sa kanila ang suspek matapos ma-monitor ang paghahanap niya ng mga kostumer sa social media.
Naniniwala rin ang NBI na sinadya ng suspek na gawin sa labas ng Maynila ang krimen para palabasin na simpleng kasiyahan sa resort ang gagawin ng mga bata.
Kulong ang suspek sa kasong human trafficking habang dadalhin muna sa Department of Social Welfare and Development ang mga biktima.