Isang dating tagaluto sa Canada na nagtinda ng nakalalasong sodium nitrite at gamit sa pagpapakamatay sa online ang nakasuhan ng pagpatay o murder ng 14 taong bumili at gumamit ng nasabing lason nitong Lunes.
Labing-apat na kasong murder ang isinampa laban kay Kenneth Law, 58, at 14 kaso ng umano’y pagpapayo o pagtulong sa pagpapakamatay sa Ontario, Canada, batay sa dokumentong kaugnay ng kaso.
Kinumpirma ng kanyang abogadong si Matthew Gourlay ang mga kasong second degree murder na isinampa laban kay Law.
Naaresto si Law noong Mayo dahil sa pagbebenta ng sodium nitrite na panimpla ng pagluluto ngunit nakamamatay kung nakain ng maramihan.
Pinaniniwalaang nakapagtinda at nakapagpadala si Law ng 1,200 pakete o mga suicide kit sa 40 bansa mula pa noong 2020.
Sa Britanya, may 272 taong bumili sa kanya ng lason at 88 sa mga bumili ang namatay.
Sa Italya, siyam ang napag-alamang bumili ng sodium nitrite at isa sa kanila ang namatay.