Inaresto ng mga otoridad ang isang lalaki na nagpapanggap bilang staff at nanggagaya rin ng boses ni Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. para umano makapanghingi ng pera sa mga government officials.
Iprinisinta ni Abalos sa media noong Martes ang suspek na inaresto ng mga otoridad noong Disyembre 7 sa Lingayen, Pangasinan.
Base sa imbestigasyon, nakatanggap ng sumbong si Abalos mula sa ilang gobernador at alkalde na may nanghihingi sa kanilang ng pera gamit ang kanyang pangalan.
“May tumatawag na nangpapanggap na ako raw sya, pati yung boses ko kamukhang-kamukha. Tapos ang pakilala niya ang kanyang chief of staff ay isang Larry Abalos at marami naloko,” sabi ni Abalos.
“Ang style nya ay ganito: Sasabihin nya ‘Ako si Sec. Abalos, papadala ako ng bigas sa inyo, on the way na dyan, medyo nasiraan pakitulungan naman, o kaya baka puwedeng magbigay ka ng pera ito yung GCash ko. Tatawag sa’yo yung staff ko’, tatawag ngayon yung staff sasabihin si Larry Abalos.”
Giniit ng kalihim na wala siyang staff na Larry Abalos at hindi rin aniya siya nanghihingi ng pera.
Ayon kay Abalos, nahingan ang isang gobernador ng hanggang P90,000 via mobile transfer. Sa isa namang mayor, P50,000 ang umano’y nakuha.
Sinabi naman ni Atty. Benjamin Tan, legal officer ng Office of Internal Security sa DILG, nagpaalam sila sa isang nagreklamong gobernador na magpanggap na personal assistant nito ang kanilang tauhan para ma-entrap ang suspek
“Pumayag naman si governor so binigay yung number kunwari sya yung PA, after a while totoo nga, nag-text, tumawag, same styl—‘Ako si Sec. Abalos, papadala ako diyan ng rice sa lugar mo, ay ito pala chief of staff ko si Larry Abalos, mamaya tawagan ka or i-text ka,’ ayun kumagat na doon po,” sabi ni Tan.
Lumitaw din sa imbestigasyon na noong Hulyo pa nagsimulang manloko ang naarestong suspek.
Posible rin anilang miyembro ng isang sindikatong grupo ang suspek.