Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes na hindi na umano palalawigin ang deadline para sa consolidation ng mga public utility vehicles sa kabila ng mga apela ng mga transport groups sa bansa.
Sa isang social media post, sinabi ng Pangulo na ang desisyon ay napagtapusan matapos ang pagpupulong na isinagawa niya sa mga transport officials.
“Currently, 70 percent of all operators have already committed to and consolidated under the Public Utility Vehicle Modernization Program,” saad ng Pangulo. “We cannot let the minority cause further delays, affecting majority of our operators, banks, financial institutions, and the public at large.”
Dadgag pa ni Marcos, ang pagsunod na itinalagang timeline para sa jeepney modernization program ay kailangang sundin upang masigurong ang lahat ay makikinabang – magmula sa mga operators, drivers at mga commuters.
Nitong Martes din ay inanunsyo ng grupong PISTON na karamihan sa mga public utility jeeps at mga UV Express vans ay hindi makakabiyahe matapos ang December 31.
“Katumbas ito ng mahigit 60,000 na mga tsuper at 25,000 na mga operator na dadagdag sa lumalaking bilang ng mga walang trabaho sa NCR pa lang,” saad ni PISTON national president Mody Floranda.
Dagdag pa niya, kakaunti lamang umano ang Local Public Transport Route Plans ang nailabas at hindi pa umano handa ang mga local government units para sa nasabing franchise consolidation.
Sinabi naman ng grupo na commuters pa rin ang tatamaan ng public utility vehicle modernization program.
Nitong nakaraan ay inihayag ng grupo na magsasagawa ito ng transport strike kaugnay sa deadline. Gaganapin ang transport strike sa December 14 at 15 upang iparating sa pamahalaan na kailangan nitong bigyan pa ng lawig ang deadline.
“Magkakaroon ng transport strike ang Piston bago matapos ang 2023 sapagkat naka-deadline hanggang December 31 na lamang yung ating public transport, yung ating mga jeepney,” saad ni Floranda.
“Pwedeng humaba yan at magdi-depensa yan sa sagot ng gobyerno. Sana ay mapakinggan tayo ng pamahalaan, lalo na si BBM dito sa kahilingan ng mga driver at operator na manatili pa sa kanilang paghahanap-buhay at pagse-serbisyo sa ating mamamayan,” dagdag pa niya.
Hirit pa ni Floranda, magkakaroon umano ng transport crisis sa bansa kung hindi na papayagang makapagpa-rehistro ang mga traditional jeepneys sa Land Transport Franchising and Regulatory Board.
“Pag-aralan nila kung ano ‘yung magiging epekto nito sa hindi lamang sa hanay ng driver/operator kundi sa ating ekonomiya at sa ating mamamayan sapagkat. May effect saa ting ekonomiya kapag nawala ang mga traditional jeepney,” sabi ni Floranda.
“Malaking bahagi ng National Capital Region ay maapektuhan ng paralisasyon sapagkat marami na nagpaabot sa atin na sasama. Kahit hindi natin lokal na nagpaabot na sila ay lalahok ngayong darating na transport strike sapagkat yung pangamba nila na mawawalan sila kabuhayan,” dagdag niya.