Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin ng bansa ang epekto ng coronavirus disease 2019 simula nang tumama ito sa Pilipinas noong 2020 at kahit mukhang under control na ang lahat, hindi pa rin nawawala ang pangamba ng mga mamamayan sa pagkalat ng sakit na ito.
Nitong nakaraan nga ay tinamaang muli si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng COVID-19 na ikatlong beses na niyang naranasan bagama’t ang huling tumama sa kanya ay mild na lamang at manageable.
Pero bukod sa banta ng COVID-19, heto at mayroon na namang pinangangambahang panibagong sakit dahil nitong nakaraan ay inihayag na ng Department of Health na may naitala na itong apat na kaso ng tinaguriang “walking pneumonia.”
Ayon sa mga eksperto, ang “walking pneumonia” ay isang uri ng Influenza-Like Illnesses na kilala rin bilang trangkaso na dulot ng bacteria na mycoplasma pneumoniae.
Ayon pa sa DoH, bagama’t mga bata ang karaniwang apektado nito, kahit sino ay maaaring tamaan at base sa datos ng ahensya, umabot sa 182,721 ang mga kaso sa bansa ng Influenza-Like Illnesses mula Enero hanggang Nobyembre ng taong ito at apat nga rito ang kumpirmadong “walking pneumonia.”
Paliwanag ni DoH Undersecretary Enrique Tayag, kaya umano tinawag na “walking” ay dahil hindi ito made-detect kaagad at ang mga tinamaan ay kaya pa ring magpatuloy sa normal na gawain.
Ilan sa mga sintomas ng pneumonia ay hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, at mataas na lagnat at ayon sa DoH, pawang gumaling na ang apat na nagkaroon ng walking peumonia sa Pilipinas.
Hindi rin umano bago ang mga kasong ito sa bansa dahil “common” at kilala ang pathogen nito na mycoplasma pneumoniae.
Nilinaw rin ng DoH na hindi umano ito galing sa bagong virus at hindi bagong uri ng sakit ang walking pneumonia dahil mayroon nang gamot para rito, at sa ilang pagkakataon ay kusang gumagaling.
Bagama’t may mga malinaw na paliwanag na, hindi pa rin tayo dapat magsawalang-bahala at kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat gaya nang pagsusuot ng mask sa mga matataong lugar.
Hindi rin dapat makampante, lalo na ngayong lumalamig ang panahon dahil sa paglakas ng Amihan, kaya paalala lamang sa ating mga kababayan, sumunod sa lahat ng health protocols.