Iniulat ng mga otoridad na bugbog-sarado ang isang rider sa Zamboanga del Norte dahil umano sa maling delivery nito.
Kinilala ang rider na si Gejonar Villejo na dalawang taon nang nagde-deliver ng mga produkto sa Barangay Poblacion, Gutalac kung saan nangyari ang pambubugbog.
Base sa ulat, anim na lalaki ang nagtulong-tulon na suntukin at tadyakan ang delivery rider dahil mali umano ang natanggap na order ng isa sa mga nambugbog.
Nasapul naman sa CCTV ang pananakit ng anim na lalaki. Makikitang sinubukan pang tumakbo papalayo ng biktima ngunit kinuyog pa rin ito ng mga lalaki.
“Ang ating biktima, siyempre nagpaliwanag na, ‘Sir wala aking kinalaman diyan, nag-deliver lang ako. Not knowing ano ‘yang order mo.’ Siguro dahil sa galit kaya nagawa nila iyon,” saad ni Gulatac Police acting chief Police Major Rene Borginia Sagan.
Napag-alaman sa imbestigasyon na magkakamag-anak pala ang anim na suspek.
Dahil sa pananakit, nagtamo si Villejo ng mga pasa sa katawan. Hindi rin pa umano siya nakakabalik sa trabaho.
Dahil sa insidente, sinabi ng biktima na balak niyang magpalipat sa ibang lugar na paghahatiran niya ng mga produkto. Sa ngayon ay nahaharap sa reklamong serious physical injuries ang mga suspek.