Namatay ang isang babae matapos dalawang beses na matuklaw ng isang ahas sa bukid sa San Carlos City, Pangasinan.
Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si Mercedes Exiomo at batay sa kaanak ng babae, nagpunta sa bukid ang 58-anyos na biktima para mamili ng gulay na ibebenta niya.
“Sa una hindi malalim ang pagkagat, hindi nga pinansin ni tita. Tapos kumagat ulit, malalim na, may dugo na akong nakita,” kuwento ng pamangkin ng biktima na si Bernadette Fabia.
Sa ulat nitong Miyerkules, isinugod pa sa ospital si Exiomo ngunit binawian din ng buhay.
Nakasaad sa death certificate ng nasawi na ‘snakebite with signs of severe envenomation’ ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa Center for Health Development ng Region 1, hindi ito ang unang kaso na may nasawi sa kanilang lugar dahil sa tuklaw ng ahas.
Payo ng mga otoridad, agad na magtungo sa pagamutan oras na matuklaw ng ahas at huwag nang hintayin na makaramdam ng anomang sintomas.
“Kapag ang isang tao ay natuklaw ng ahas, dalhin agad sa pinakamalapit na ospital para mabigyan ng anti-venom kung ang nakakagat na ahas ay poisonous,” wika ni Dr. Rheuel Bobis ng CHD-Region 1.