Iniulat ng mga otoridad nitong Miyerkules na isang pampasaherong bus ang nahulog sa bangin sa bayan ng Hamtic, Antique province noong Martes ng hapon kung saan namatay ang nasa 28 katao.
Ayon kay Antique Gov. Rhodora Cadiao, nangyari ang trahediya sa Barangay Igbucagay dakong 4:30 p.m. at sa kabuuang 53 pasahero ng bus, agad na nasawi ang 25 habang sa ospital naman pumanaw ang tatlong iba pa.
Labing-anim na sakay naman ng bus ang malubhang nasugatan.
“Grabe ang kanilang injuries kasi ravine ito e. Kung hindi ako nagkamali, mga 20 to 30 meters down,” saad ni Cadiao. “Tatlo ang nag-expire right before my eyes, hindi pa kasama sa 25 na dead on impact.
Galing umano sa Iloilo ang bus at papuntang San Jose sa Antique at base sa mga ulat ng mga nakaligtas, bago umakyat sa bundok ang sasakyan ay sinuri pa umano ng driver ang bus.
Panay umano ang busina ng driver nang magtuloy-tuloy na ang bus dahil nawalan na ito ng kontrol sa sasakyan.
Ayon kay Cadiao, nahulog ang bus sa bahagi ng highway sa bundok na walang barrier o harang.
“Pauwi na mga pasahero nito na almost all Antiqueños. Some are even students and seaman. Sa may Barangay Igbucagay [nangyari]. This is a mountain highway here in Antique na dinadaanan namin ito papunta sa Iloilo,” saad ni Cadiao.
Dagdag niya, hindi iyon ang unang pagkakataon na may sasakyan na nahulog sa nasabing bahagi “mountain highway.”
“Pangalawang bus na ang nahulog diyan at marami nang sasakyan sa ilalim na ‘di pa nare-retrieve,” sabi ni Cadiao.
Samantala, pinatawan ng 90-day preventive suspension ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang Ceres Bus Liner matapos mahulog ang isa nitong bus sa bangin.
Sinabi ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, na bahagi ng gagawin nilang imbestigasyon ang inilabas na suspension order laban sa Ceres Bus Liner may tinatayang 15 bus na sakop ng kautusan ng LTFRB.
Kasama sa aalamin ng mga otoridad ay kung nasangkot na rin sa ibang sakuna ang mga bus ng Ceres sa nakalipas na mga taon.
Una nang sinabi ng Ceres Bus Liner na handa silang makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon.
“Vallacar Transit, Inc. would like to express its most heartfelt apologies to those who were involved in the incident,” ayon sa kompanya na namamahala sa Ceres Bus line. “We would also like to send our sincerest condolences to the bereaved families.”