Isang kabalintunaan na sa 40 pinakamayayamang bansa sa mundo naninirahan ang 69 milyong mahihirap na bata.
Ito ay ayon sa ulat ng United Nations Children’s Emergency Fund na inilabas kahapon ng ahensya.
Kinutya ng UNICEF ang Britanya at Pransya na kabilang sa mga mayayamang bansa na may milyun-milyong kabataan na lugmok sa kahirapan.
Sinabi ng UNICEF na tumaas ang bilang ng mga mahihirap na kabataan sa Britanya ng 19.6 porsyento na katumbas ng dagdag na kalahating milyong mahihirap na bata, samantalang 10.4 porsyento naman ang nadagdag sa bilang ng mga batang mahihirap sa Pransya.
Ang ibig sabihin nito ay maraming kabataan sa Europa ang lumalaking walang sapat na kinakain, damit, gamit sa pag-aaral at bahay, pahayag ni Bo Viktor Nylund ng UNICEF Innocenti, ang gumawa ng ulat at kaakibat na pagsasaliksik.
Matindi ang pisikal at mental na pinagdaraanan ng mga nasabing kabataan.
Ayon rin sa ulat ng UNICEF, sa Europa, ang mga batang may magulang na hindi taga-Europa ay 2.4 beses na maaaring mamuhay nang mahirap.
Sa Estados Unidos naman, bagaman bumaba ng 6.7 porsyento ang bilang ng mahihirap na kabataan, nananatiling marami sila, isa sa bawat apat ng bata ay dukha.