Inihayag ng Isabela Provincial Information Office nitong Martes na natagpuan na ang Piper plane na naiulat na nawala sa Isabela noong Nobyembre 30 pero bagama’t natagpuan na, hindi pa rin maikasa ang rescue operations dahil sa lakas ng hangin at hamog sa lugar na kinalalagyan nito.
“It has been found po. Still waiting for details po from the commander,” saad ni Isabela PIO administrative officer Joshua Hapinat sa isang panayam.
Bandang alas-8:05 ng umaga noong Martes nang matagpuan ng Philippine Air Force Sokol W-3A search and rescue helicopter ang nawawalang Piper Plane na may registration number na RPC 1234, sa paligid ng Barangay Casala sa munisipyo ng San Mariano.
Sinabi ng PAF na ang Sokol ay hindi nakarating o nakalapit dahil sa malakas na hangin at lumalagong fog sa bulubunduking lugar. Nagawa ng aircrew na ihatid ang eksaktong lokasyon sa 2 ground team na paparating mula sa silangan at kanluran.
Sinabi ng Tactical Operations Group 2, ang PAF unit na namamahala sa air operations sa lugar, na bukod sa Sokol, isang civilian R44 light helicopter ng Lion Air ang tumutulong sa paghahanap. Ang kasalukuyang ground search party naman ay binubuo ng mga tauhan ng Philippine Army, PNP, BFP, at MDRRO units mula Palanan, San Mariano at Divilacan na may mga dumagat bilang gabay.
Idinagdag ng PAF na ipinangako nito ang pagkakaroon ng mga parajumper nito at karagdagang rescue helicopter mula sa 505th Search and Rescue Group para sa posibleng helirescue, kapag pinahihintulutan ng panahon.
Samantala, sinabi naman ni Civil Aviation Authority of the Philippines spokesperson Eric Apolonio na hinihintay pa ng kanilang ahensya ang ulat mula sa mga imbestigador nito.
“May sightings ng crash site at waiting lang sa official initial report ng CAAP from our Aircraft Accident and Inquiry Board investigators on the ground,” saad ni Apolonio.
Nawala ang eroplano kasama ang piloto nito at isang pasahero noong Nobyembre 30.
Ang Piper PA-32-300 ng Fliteline Airways, na pinamamahalaan ng Cyclone Airways, ay umalis sa Cauayan Airport noong 9:39 a.m. at dadating sana sa Palanan Airport ng 10:23 a.m. noong Nobyembre 30.