Iginiit ni Vice President Sara Duterte nitong nakaraan na tutol siya sa planong buhayin ang peace talks sa pagitan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng National Demorcatic Front of the Philippines na nasa The Netherlands ang mga namumuno.
Ayon sa Bise Presidente, “an agreement with the devil” ang joint statement kamakailan ng pamahalaan at NDFP para simulan ang pagbalangkas sa gagawing peace talks.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa ika-limang anibersaryo ng pagkakabuo ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Mr. President, the government’s statement with the NDFP in Oslo was an agreement with the devil,” saad ni Duterte, na tutol din sa inilabas na amnesty proclamations ni Marcos para sa mga dating rebeldeng komunista.
Dagdag pa niya, napatunayan na umano na hindi tapat ang mga rebelde sa hangaring kapayapaan at gagamitin lang ang negosasyon laban sa gobyerno at panlilinlang sa mga tao.