Sinabi ng United States nitong Lunes na tintingnan nito ang mas malaking oportunidad para makapag-export pa sa Pilipinas ng mas maraming processed vegetable matapos lumabas sa datos ng United States Department of Agriculture na nakuha na ng US ang 20 percent share sa kabuuang processed vegetable importation ng bansa.
Lumalabas kasi na nakapag-import ang Pilipinas ng 512,000 metriko tonelada ng naturang produkto noong 2022. Ito ay may kabuuang halaga na $460 million, at mas malaki ng 35 perecnt kumpara noong 2021.
Mula sa naturang volume, 20 percent dito ay hawak ng US.
Sa kasalukuyan, hawak ng China ang pinakamalaking share na mayroong 28 percent habang sumusunod ang ASEAN ma mayroong 22 percent.
Ayon sa USDA, malapit nang maabutan ng US ang ASEAN, kung magtutuloy-tuloy ang pag-import ng Pilipinas mula sa naturang bansa at pagtangkilik nito sa mga produkto.
Kabilang sa mga processed vegetables na inangkat ng Pilipinas mula sa US ay ang frozen potatoes, potato chips, prepared tomatoes at sweet corn.