Patay ang isang turistang Aleman at sugatan ang dalawang iba pa nang sila’y pagsasaksakin at pagpupukpukin ng martilyo ng isang Pranses sa Paris nitong Sabado.
Nangyari ang pananaksak malapit sa Eiffel Tower at Ilog Seine. Hinihinalang may kaugnayan ang atake sa digmaan ng teroristang Hamas at Israel.
Naaresto ang nanaksak at namukpok na kilalang radikal na Muslim at pasyenteng may sakit sa pag-iisip, pahayag ni Interior Minister Gerald Darmanin.
Sumigaw ng “Allahu Akbar” (Pinakadakila ang Allah) ang nanaksak bago siya inaresto.
Sinaksak ng kutsilyo hanggang sa mamatay ang biktimang Aleman at gumamit ng martilyo ang salarin upang saktan ang dalawang iba pang biktima habang siya’y tumatakas sa kabilang banda ng Ilog Seine.
Inabutan ng pulis ang nanaksak at tinira siya ng taser upang madisarmahan at masawata.
Ayon kay Darmanin, nasintensyahan ng pagkakakulong ng apat na taon ang salarin noong 2016 dahil sa pagpaplano ng atake na hindi niya nagawa.
Sinabi rin niya sa pulis na hindi niya maatim ang pagpatay sa mga Muslim sa Afghanistan at Palestine.