Sa kalaboso ang bagsak ng isang 43-anyos na lalaki sa Calamba, Laguna na itinuturing na most wanted ng Calabarzon dahil sa kasong panggagahasa nang masakote siya ng mga otoridad nitong nakaraan.
Nahaharap rin ang lalaki sa kasong sexual assault (2 counts) na nangyari umano noong Disyembre 2022 at Enero ngayong taon.
Magkamag-anak ang akusado at mga biktima na menor de edad, ayon kay Calamba acting police chief Police Lieutenant Colonel Milany Martirez.
“Base sa investigation namin yung ating akusado ay tiyuhin ng mga bata so dahil siguro na rin sa tiwala nakikitulog sila sa bahay ng tiyahin naging dahilan kung bakit naging biktima sila ng panggagahasa at sexual abuse,” sabi ni Martirez.
Dagdag niya, natagalan ang pagsampa ng kaso ng mga biktima dahil sinarili muna umano nila ang mapait na dinanas sa kanilang tiyuhin.
Itinanggi naman ng akusado ang mga kasong kinakasangkutan niya.
Aabot sa P140,000 per count ang piyansa para sa sexual assault pero walang inirekomendang piyansa para sa kasong rape kaya hindi ito makakalaya pansamantala. Nakakulong sa custodial facility ang suspek.