Patay ang isang lalaki matapos mahagip ng tren habang tumatawid sa Naga City, Camarines Sur nitong Martes.
Ayon sa ulat, patungong Ligao City, Albay ang tren ng Philippine National Railways na nakadisgrasya sa biktima na kalauna’y napag-alaman sa imbestigasyon na may kapansanan umano sa pandinig.
Nasapul naman sa CCTV ang nangyaring insidente.
Sa video. makikitang nakatigil na ang mga sasakyan para sa pagdaan ng tren ngunit patuloy pa rin sa paglalakad ang biktima.
Dahil sa pangyayari, nabahala ang pamunuan ng PNR dahil ito na anila ang ikatlong kasong naitala ng may nasawi dahil sa pagtawid sa riles ng tren simula magbalik-operasyon ang rutang Naga City, Camarines Sur-Ligao City, Albay noong Hulyo.
Dahil dito, pinayuhan ng PNR ang publiko na mag-doble ingat sa pagtawid sa mga railroad.
“Mag-ingat po sila sa pagtawid, bago sila tatawid pakinggan nila, meron bang paparating na tren, lilingon muna sa kanan [sa kaliwa] bumubusina naman po yan. Sana maging alerto sila palagi upang makaiwas sa anumang maaaring hindi magandang aksidente,” saad ni PNR Operations Department manager Joseline Geronimo.