Inihayag ng Department of the Interior and Local Government nitong Huwebes na sinibak na nito sa puwesto si PLTCOL Mark Julio Abong – ang pulis na sangkot umano sa kasong hit-and-run noong nakaraang taon.
Ayon sa DILG, ibinasura na nito ang apela ni Abong.
“This is in relation to his involvement in the hit-and-run and drunk driving incident on August 6, 2022 along Anonas Street, Quezon City that killed tricycle driver Joel Larosa and injured a passenger,” sabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr.
Kaugnay nito, sinabi ni Abalos na ipinag-utos na rin niya kay Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang pag-iisyu ng dismissal order para kay Abong.
“He can no longer delay his dismissal from service as recommended by the Quezon City People’s Law Enforcement Board Fourth Division in its Decision dated March 21, 2023. Ubos na ang baraha niya at hindi na niya mapapaikot pa ang batas,” sabi ni Abalos.
Kung matatandaan, una nang naghain ng apela si Abong sa National Police Commission Regional Appellate Board na tinanggihan din bago siya naghain ng panibagong apela sa DILG.
Ayon sa ulat, nabungkal ang dating kaso ni Abong matapos nitong maaresto noong linggo dahil sa umano’y pagtutok niya ng baril sa isang waiter at magpaputok ng baril sa labas ng isang bar sa Quezon City.