Isang oras bago lumipad sa Dubai para sa World Climate Action Summit o COP28, kinansela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang biyahe dahil kailangan umanong tutukan ang mga pangyayaring nakapaligid sa 17 Filipino seafarers na na-hostage sa Red Sea.
Ayon kay Marcos, magpapadala siya ng delegasyon sa Iran para tulungan ang mga nasabing 17 mga seafarers at ipinagkatiwala niya kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Ma. Antonio Yulo-Loyzaga na pamunuan ang delegasyon ng COP28.
Nitong nakaraan, tiniyak ng Pangulo sa publiko na ginagawa ng gobyerno ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng 17 Filipino seafarers na hostage ng mga rebeldeng Houthi sa Yemen.
Una na rito, ang mga otoridad ng Israel noong katapusan ng linggo ay nag-ulat na ang isang cargo vessel na pagmamay-ari ng Britain na pinamamahalaan ng isang kumpanyang Hapones ay sinalakay ng armadong grupo sa Red Sea.
Samantala inindorso naman ng Private Sector Advisory Council sa Marcos administration ang ilang mga batas para mapalakas ang depensa ng bansa laban sa banta ng cybercrimes at mapalakas pa ang digital infrastructure sa bansa.
Kabilang sa mga nais ng konseho na maging ganap na batas ay ang Senate Bill 1365 o mas kilala bilang Cybersecurity Act, at ang SB 2039 o Anti-Mule Act.
Ayon kay PSAC lead convenor Sabin Aboitiz, nilalaman ng dalawang nabanggit na panukalang batas ang sapat at potensyal upang matugunan ang mga cybercrimes sa bansa.
Malaki din aniya ang potensyal ng mga nasabing panukala upang mapatatag ang legal framework ng cybersecurity sa bansa, at malabanan ang talamak na financial cybercrimes.
Apela ng grupo sa Administrasyong Marcos na gawin ang mga ito bilang priority legislation upang agad nang maipasa bilang batas.