Iniulat ng Philippine General Hospital na nakapagtala ito nang pagtaas sa bilang ng mga kaso ng sakit na pneumonia makalipas ang mahigit apat na buwan mula nang alisin ng pamahalaan ang public health emergency ng COVID-19 sa Pilipinas.
Batay sa mga ulat, karamihan sa mga indibidwal na tinatamaan ng sakit na Pneumonia at kasalukuyang naka-admit ngayon ng nasabing pampublikong pagamutan ay pawang mga sanggol at senior citizens.
Sinabi naman ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario na dahil sa pagtaas ng mga kaso ay nagkakaubusan na ng mga kama para sa kanilang pagamutan na para sana sa iba pang mga pasyente nitong dumaranas ng ibang sakit tulad ng cancer, stroke, at inatake sa puso.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy ang isinagawang panawagan ngayon ng PGH sa iba pang mga local government unit hospitals na kung maaaari ay ito na lamang ang umako sa iba pang mga pasyenteng tinamaan ng pneumonia upang mas mabigyan ng kaukulang atensyong medikal ng PGH ang mga pasyenteng mayroong severe condition tulad ng cancer at iba pa.
Batay sa datos, sa unang tatlong buwan ng taong 2023 ay mayroong kabuuang 41,497 na mga kaso ng pneumonia ang naitala sa buong bansa, mas mababa ito kumpara sa mahigit 201,798 na mga kaso ng nasabing sakit na naitala noong taong 2022.