Inihayag ng Office of the Solicitor General nitong Miyerkules na wala umanong legal duty ang Pilipinas na makipagtulungan o makipag-cooperate sa mga imbestigador mula sa International Criminal Court.
Pero paglilinaw ni Solicitor General Menardo Guevarra, malaya nang makakapasok sa Pilipinas ang mga imbestigador ng ICC para magsagawa ng kanilang pag-aaral sa kasong isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga opisyal nito na sangkot umano sa extrajudicial killings kaugnay sa War on Drugs.
Giit pa niya, mananatili ang posisyon ng gobyerno na huwag makipag-tulungan sa mga ICC investigators sakaling makapasok ang mga ito sa bansa.
Ito ang inihayag ni Guevarra sa isinagawang pagdinig ng joint House Committee on Justice at Human Rights.
Sa pagpasok ng mga ICC investigators, payag naman umanong makipagtulungan ang Commission on Human Rights kaugnay sa imbestigasyon ng extrajudicial killings.
Ayon kay Commission on Human Rights commissioner Faydah Dumarpa, ang komisyon ay isang independent body na nilikha protektahan ang karapatang pantao.
Sa panig naman ng Department of Justice at Department of Foreign Affairs, nakadepende ang kanilang desisyon sa magiging desisyon ni Pang.Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, inaprubahan na rin ng Committee on Human Rights ang House Resolution 1477 na walang amendment in consolidation sa House Resolutions 1393 at 1482.