Ipinawalang-bisa ng bagong pangulo ng Ecuador nitong Biyernes ang batas na nagpapahintulot sa sinuman na humawak o magkaroon ng kakaunting gramo ng droga.
Ipinag-utos ni Pangulong Daniel Noboa sa kanilang Interior Minister na bawiin ang naturang patakaran na ipinatupad ng pinalitan niyang lider na si Rafael Correa, pag-uulat ng Agence France-Presse nitong Sabado.
Katwiran ni Noboa, ang pagpayag na magkaroon ng hawak na droga ang sinuman sa kanilang bansa ay maaaring magbunga ng pagdami ng mga batang adik at naghihikayat ito ng pagbebenta nito sa mga paaralan.
Bukod dito, sinabi rin ng bagong pangulo na sa kanyang panunugkulan ay magpapakalat siya ng militar sa mga lansangan upang masugpo ang karahasan na may kaugnayan sa droga.
Sususpindihin rin niya ang ilang karapatan ng mamamayan tulad ng malayang paglalayag at pagpapatupad ng state of emergency upang sugpuin ang tumataas na bilang ng kaso ng karahasan sa bansa nitong mga nakaraang taon na siyang iniuugnay sa mga away ng mga gang na sangkot sa mga drug cartel mula Mexico at Colombia, mga bansang nangunguna sa pangangalakal ng drogang cocaine.
Bukod dito, dumami rin ang kaso ng pagpatay sa kanilang bansa mula 2018 hanggang 2022 at inaasahang patuloy pang tatataas.