Nasawi ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng tindero ng buko sa Tondo, Manila na umano’y naasar sa biktima.
Kinilala ang biktima na si Elorde Alcazaren at suspek na si Jayson Macahilig.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na napikon ang suspek nang asarin ito ng biktima matapos niyang masugatan ang kanyang sarili habang nagbibiyak ng buko.
“Nagbibiyak siya ng buko nang aksidente niyang nasugatan ang sarili niya. Kaya itong ating biktima biniro siya, kung saan ikinagalit nitong suspek natin at dun na sila di nagkaron ng di pagkakaunawaan,” sabi ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District.
Dagdag niya, sinubukan pang tumakas ng biktima ngunit inundayan ito nang sunod-sunod na saksak ng suspek.
“Marami pong tama itong biktima pero isa lang ‘yung tingin namin na fatal. Itong nasa likuran, sa may bandang baga,” sabi ni Turla.
Nanawagan naman si Macahlig sa pamilya ng biktima at sinabing, “Magkaaway po kami sa trabaho…sa pagsasagutan. Nananawagan po ko sa pamilya ng napatay ko, pagsisihan ko na lang po.”
Nakumpiska sa kanya ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga otoridad si Macahilig na nahaharap sa kasong pagpatay.