Inihayag ng Armed Forces of the Philippines nitong Linggo na hindi ito magdedeklara ng ceasefire o tigil-putukan sa nalalapit na 55th anniversary ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa December 26 2023.
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar, ang CPP, NPA at National Democratic Front of the Philippines ay kasalukuyang nasa gitna ng krisis sa pamumuno sa loob ng mas mataas na antas nito.
“Sa palagay ko po, katulad nung nangyari noong nakaraang taon, walang tayong ceasefire kasi una, wala namang leadership. Merong crisis sa leadership ngayon sa national level ang CPP-NPA-NDF. Wala naman talagang magbibigay sa kanila ng kautusan na magkaroon ng ceasefire,” sabi ni Aguilar.
Dagdag niya, wala pa umanong naoobserbahan ang AFP na mga major activities mula sa mga rebelde isang buwan bago ang kanilang anibersaryo, pero paglilinaw ni Aguilar, nasa gobyerno pa rin ang desisyon kung paiiralin nito ang suspension of military operations laban sa mga rebelde sa darating na Kapaskuhan.
“Nasa gobyerno na kung magkakaroon ng suspension of military operation which is unilateral. Siguro kung ito man ay mangyayari, baka ito ay ipatupad para magkaroon ng pagkakataon ang mga sundalo na makauwi sa kanilang pamilya during the Christmas season, and at the same time, siguro ito’y pagkakataon sa mga NPA na patuloy na tumatakbo ngayon na makabalik sa kanilang mga pamilya at tuluyan nang iwanan ang armadong pakikibaka,” sabi ni Aguilar.
Ang pahayag ng AFP ay kasunod nang pagbibigay ng amnestiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga rebelde upang muli silang magbalik sa panig ng gobyerno.
Pinirmahan ng Pangulo ang Executive Order 47 noong November 22 at ilang proklamasyon para magawaran ng amnesty ang mga rebelde upang mahikayat silang magbalik-loob sa gobyerno.
Inamyendahan nito ang mga dating function ng National Amnesty Commission para ma-proseso ang applications for amnesty sa ilalim ng mga bagong proklamasyon.
“There is hereby created the National Amnesty Commission, hereinafter referred to as the Commission, which shall be primarily tasked with receiving and processing applications for amnesty and determining whether the applicants are entitled to amnesty under Proclamation Nos. 403, 404, 405 and 406,” wika ng EO ni Marcos Jr.
Patuloy na iirial ang komisyon sa ilalim ng EO 125 at lulusawin lang oras na makumpleto nito ang mandato nito batay sa pagtataya ng presidente.
Tumutukoy ang amnesty sa kautusan ng gobyerno na i-“pardon” ang malaking grupo ng mga indibidwal. Madalas itong gawin para sa mga taong gumawa ng political offenses laban sa estado.
Kabilang sa mga binibigyan ng amnestiya ng Proclamation 403 ni Marcos Jr. ang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade na gumawa ng krimeng pinarurusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at special penal laws, lalo na ‘yung mga krimeng nagagawa sa pagsusulong ng paniniwalang pulitikal.