Binayaran ng Colombian singer na si Shakira ang 6.6 milyong euro na buwis na sinisingil sa kanya ng pamahalaang Espanya nitong Agosto, ayon sa kanyang ahensya.
Nagbayad ang 46 anyos na singer ng katumbas ng halos 400 milyong piso sa isang korte, ayon sa ulat ng Agence France-Presse nitong Sabado,
Bunsod ito ng kasong isinampa sa kanya ng pamahalaang Espanya nitong Hulyo dahil umano sa hindi pagbabayad ng buwis noong 2018.
Sa nasabing kaso, pinagbintangan siya ng mga tagausig na gumamit ng kumpanya sa labas ng bansa upang umiwas magbayad ng buwis
Sa isa pang kaso niya, pumayag nitong Lunes si Shakira na magbayad ng 7.3 miyong euro, o mahigit 440 milyong piso, na buwis para sa kinita niya noong 2012 hanggang 2014 upang hindi na mauwi sa paglilitis ang kaso niyang tax fraud.
Ang halaga ay kalahati ng hindi niya umanong binayarang buwis sa nasabing mga taon.
“Nagpasya akong ayusin na ang bagay na ito alang-alang sa aking mga anak,” pahayag niya.
Dati nang nagbayad ng 17.45 milyong euro na buwis ang singer upang maayos ang kaso.
Nito lamang Abril ay lumipat si Shakira sa Miami, Florida, Estados Unidos kasama ang anak niyang sina Sasha, 7, at Milan, 9.
Hunyo nang kupirmahin ng singer na hiwalay na sila ng kanyang asawang si Gerard Piqué, isang football star mula sa koponang FC Barcelona.
Isa si Shakira sa pinakamayamang babaeng mang-aawit sa mundo. Sinasabing nasa $300 milyon ang halaga ng kanyang ari-arian.
Ang tinaguriang reyna ng musikang Latino ay nakila sa kanyang awit na “Hips Don’t Lie.” Nakapagbenta siya ng 80 milyong album sa buong mundo at nanalo ng tatlong Grammy Awards.
Kamakailan lang ay inilabas ni Shakira ang awit nila ni DJ Bizarrap ng Argentina na pinanunod ng 645 milyong beses sa YouTube. Ang liriko ng awit at pasaring sa dating asawa na aniya’s ipinagpalit siya sa isang pipitsuging babae.