Sabay na magpapatrolya sa West Philippine Sea ang mga barkong pandigma ng Pilipinas at Australya bilang bahagi ng kanilang kooperasyong militar.
Ayon kay Arsenio Andolong, tagapagsalita ng Department of National Defense, ikakasa ang patrolya sa ilalim ng Maritime Cooperation Activity ng Philippine Navy sa loob ng exclusive economic zone ng bansa mula Nobyembre 25 hangang 27.
Layunin ng patrolya na pag-ibayuhin ang istratehikong pagtutulungan ng dalawang bansa sa gitna ng pambobomba ng tubig ng mga barkong Tsina sa mga barko ng Philippine Coast Guard.
Ang MCA ay patunay sa lumalaki at lumalalim na pagsasamahan sa depensa ng Pilipinas at Australya, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang MCA ay alinsunod sa Joint Declaration on Strategic Partnership ng dalawang bansa.
Lalahok sa sanib-patrolya ang dalawang barko at limang surveillance aircraft ng Pilipinas at isang barkong pandigma at maritime surveillance aircraft ng Australya.
Nito lamang Biyernes nang sabihin ni DND Secretery Gilberto Teodoro Jr. na nagpakita rin ng interes ang iba pang bansa sa pagkasa ng sanib-puwersang pagpapatrol sa dagat.
“Sa karagatan, mayroon tayong karapatan sa inosenteng pagdaan at malayang paglalayag. Mayroon tayong pagpupulisya sa ating sariling lugar na tanging Pilipinas at hindi ng ibang bansa ang magdidikta,” ayon kay Teodoro.
Maraming bansa kabilang na ang Japan, South Korea at Canada ang nais ring sumali sa sa MCA ng sandatahang lakas, dagdag niya.