Hindi na lamang tao ang pwedeng makaranas kumain sa isang restaurant.
Nito lamang kasing Biyernes nang iulat ng Agence France-Presse ang pagbubukas ng “Fiuto,” salitang Italyano para sa “sense of smell,” na unang restaurant para sa mga aso roon.
Tulad ng mga restaurant, inilarawan ang Fiuto na mayroong magandang pailaw, musika at mga serbidora.
Siniguro ng namamahala ng kainan na ligtas ang mga pagkain na kanilang inihahain lalo pa’t mas marami anilang allergy ang mga aso kumpara sa tao, ayon kay Luca Grammatico, punong chef ng Fiuto at dating nagtrabaho bilang dog trainer.
“Kami ang gumawa ng menu sa tulong ng veterinary nutritionist at ako ang pumili ng ingredients,” aniya.
“Walang pampaanghang, asin at mantika,” dagdag ni Grammatico.
Ang pinakatinatangkilik sa kanilang menu ay isda dahil iba aniya ang lasa nito kumpara sa nakasanayang pagkain ng aso.
Ayon sa ulat, ang mga pagkaing kanilang inihahain ay depende sa laki ng aso: maliit para sa may timbang na 2 hanggang 10 kilo, medium para sa mga may timbang na 11 hanggang 20 kilo, malaki para sa mga may timbang na 21 hanggang 30 kilo, at extra large para naman sa may mga timbang na lampas 30 kilo.
Bukod dito, mayroon ding screen sa pagitan ng mga mesa upang hindi maabala ang magkakatabing aso kapag kumain.
“Hindi nila makikita at maiistorbo ang isa’t isa,” wika ni Marco Turano, isa sa tatlong nagtatag ng Fiuto.
Dahil dito, maraming fur parents ang nagdala ng kani-kanilang alaga sa nasabing restaurant.
Masayang dinala ni Sara Nicosanti si Mango, 5-anyos na Jack Rusell, sa restaurant para magkaroon aniya ng balanseng dyeta na may mainam na sangkap ang aso.
Sinasabing nasa 6 hanggang 10 aso ang dumadagsa tuwing gabi sa kainan, Lunes hanggang Biyernes, samantalang 10 to 15 naman tuwing Sabado at Linggo.
Ayon sa ulat, nasa 8 hanggang 20 euros ang presyo ng pagkain kada aso depende sa laki nito.