Arestado ang isang mag-live in partner mula Pangasinan matapos maipit sa ikinasang entrapment operation dahil sa pagbebenta nila ng tatlong lingong gulang na sanggol.
Kinilala ang mga suspek na sina Reynante Ladaran at Margie Lauag, tubong-Kalinga na hinuli ng mga otoridad sa Alaminos.
Ayon kay Atty. Fabienne Matib, Agent in Charge ng National Bureau of Investigation sa naturang probinsya, bago ang pakikipagkita ng mga suspek sa bibili ng sanggol na undercover agent ng NBI, nagpaskil ang dalawa sa social media na binebenta o pinapaampon ang sanggol sa halagang P300,000.
Dahil sa pangyayaring ito, nabahala ang Project Rescue Children, isang non-governmental organization, at nakipag-ugnayan sa NBI dahilan upang isagawa ang nangyaring operasyon.
Kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development ang nasagip na sanggol.
Naharap naman sa kasong paglabag sa Anti-trafficking in Person Act ang dalawang suspek.