Nabahala ang mga residente ng isang sitio sa bayan ng Bataraza, Palawan ang malaking buwaya na nakita sa ilalim ng kanilang mga bahay.
Sa kuha ng isang video, nakita ang buwaya sa ilalim ng mga bahay nitong Huwebes ng gabi at ayon sa mga nakasaksi, umalis din umano ang buwaya at bumalik sa dagat pagkaraan ng ilang minuto.
Madalas umanong may napapadpad na buwaya sa lugar kaya hindi pumapalaot ang mga residente sa gabi.
Gayunman, nangangamba sila sa kaligtasan ng mga bata.
Isa umano ang Bataraza sa mga lugar na mayroong maraming buwaya.
Nitong nakaraang taon, isang dambuhalang buwaya na hinihinala na mas malaki pa kay “Lolong,” ang namataan sa ilalim ng tulay at mga bahay sa Rio Tuba sa Bataraza.
May mga insidente na rin ng pag-atake ng buwaya ang naiulat sa nasabing bayan.