Bawat buhay ay mahalaga. Iyan ang nasa isip ng mga tagasaklolo kaya pursigido sila sa pagsagip ng buhay kahit pa malagay ang sarili nila sa peligro.
Sa mga bumbero at pulis na nakapagligtas sa lalaking lumambitin sa napakataas na poste ng kuryente ng mahigit 30 oras, nararapat silang parangalan sa pagpigil sa “Tarsan” na sapitin ang isang malagim na kamatayan nitong Miyerkules sa Marikina City.
Makailang ulit na ring may nagpatiwakal sa pagtalon sa matataas na gusali sa Maynila o pagtalon sa riles at masagasaan ng tren na sadya namang madugo at nakakagimbal. Mabuti at hindi ganito ang nangyari sa mamang Tarsan na hindi pinangalanan ng mga otoridad.
Hindi pa malinaw kung bakit umakyat sa mataas na poste ang lalaki. Sa mga ulat sa telebisyon, nakitang ayaw magpasaklolo ng lalaki at lumambitin pa sa mga kawad ng kuryente upang iwasan ang mga rescuers.
Walang takot siyang tumuntong sa tuktok ng poste na sadya nang delikadong akyatin ng mga tagasagip.
Higit pa sa pagiging mailap ni Tarsan, matatag rin siya dahil tumagal ng mahigit isang araw bago siya naibaba sa poste gamit ang mahabang bucket ng fire truck. Sa halos 30 oras na paglambitin niya ay hindi man lang siya nakatulog at nahulog.
Ngunit naging palaisipan ang ginawa niya dahil bagaman ito ay tangkang pagpapakamatay, panay iwas naman si Tarsan na makuha siya ng mga tagapagsaklolo. Hindi lang isa kundi ilan ring tagasagip ang nagtulong-tulong upang makuha at maibaba siya nang ligtas at walang sugat sa kanto ng Tambuli Street Old JP Rizal Avenue sa Barangay Kalumpang.
Isang buhay ang nailigtas sa makapigil-hiningang pagsaklolo kay Tarsan. Inaalam pa kung ano ang nagtulak sa kanya na umakyat sa mahigit 18 metrong poste at ilagay rin sa panganib ang mga tagasagip na mula Bureau of Fire Protection at mga rescuer ng lungsod ng Quezon at Marikina.
Mainam na maparangalan ang mga magigiting na rescuer.
Kailangan ding mapasalamatan ang mga kinauukulan at mga tagaroon na nagsakripisyong patayin pansamantala ang daloy ng kuryente sa lugar para lamang hindi makuryente si Tarsan. Ang kooperasyon ng mga residente sa Kalumpang ay hindi rin matatawaran dahil nakilahok sila sa pagligtas ng buhay.
Samu’t saring suliranin an kinakaharap ng mga tao na maaaring magtulak sa kanila na kitilin ang sariling buhay kaya mahalaga na naririyan at lagging handa ang mga tagasaklolo.
Mahalaga rin ang mga hotline na maaaring tawagan ng mga nalulumbay upang sila’y matulungan sakaling nag-iisip silang magpatiwakal.