Isang car wash boy ang naiulat na namatay matapos umanong saksakin ng kanyang katrabaho sa isang car wash establishment sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Freddie Panti, na namatay matapos masaksak ng suspek na kinilalang si Rodolfo Hinalas Jr.
Sa kuha ng CCTV ng pinagtatrabahuhan ng dalawa sa Greater Fairview, Quezon City, makikitang inaalalayan ni Hinalas si Panti patungo sa kanilang barracks na siyang pasuraysuray maglakad.
Nakita na lamang sa loob ng barracks na wala ng buhay at tadtad ng saksak ang biktima.
Natagpuan naman ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang isang kitchen knife.
Batay sa pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na nauwi sa saksakan.
“Yung ating biktima pauwi sa kanyang pinagtatrabahuan na kung saan stay-in po siya. Nandoon rin po yung suspek natin na kung saan hinawakan ang victim para patulugin sa quarters. Nagkaroon po ng konting pagtatalo at nauwi sa karumal-dumal na krimen,” saad ni Police Major Don Don Llapitan ng QC Police District Police District Criminal Investigation and Detection Unit.
Naaresto naman ang suspek sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Lumalabas sa imbestigasyon na matagal na galit na kinimkim ng suspek ang naging motibo niya sa krimen dahil binastos umano ng biktima ang kapatid niya noong nakaraang buwan.
“Ginawa ko yun dahil ano bastos siya na tao talaga. Kung hindi pa siya bastos na tao, hindi ko siya masaksak. Sobra na siya. Kapag malasing na siya sir lahat kaaway niya,” pag-amin ni Hinalas.
Nahaharap sa kasong pagpatay ang suspek.