Matapos atakihin ng mga teroristang Hamas mula sa Gaza Strip ang Israel noong Oktubre 7, apat na Pilipino ang naiulat na kabilang sa mahigit 1,200 na pinatay nila na karamihan ay mga sibilyan.
Sampung libong rocket at missile din ang pinaulan sa Israel ng mga teroristang Palestino sa Gaza. Tinatayang may 30,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Israel, Gaza at West Bank. Malinaw rito na target ng mga terorista ang kahit sino sa Israel, kasama na ang mga Pilipino.
Mananatiling banta ang mga Hamas sa buhay ng mga Pilipinong migrante sa Israel hanggang nagpapalipad at nagpapasabog sila ng rocket at missile sa nasabing bansa.
Ngunit hindi lamang ang mga Palestinong terorista sa Gaza ang banta sa buhay ng mga overseas Filipino workers sa Israel ngayon. Nadagdagan ang banta dahil nagpapalipad na rin ng bomb drone at missile ang mga teroristang Huthi ng Yemen sa Israel.
Bagaman wala pang tinatamaang siyudad ang mga attack drone at missile galing sa Yemen, na 2,211 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Israel, hindi ito dapat ipagsawalang-bahala. Kahit hindi tumama sa Israel o walang napatay na sibilyan ang atake mula sa Yemen, ang ginagawa ng mga Huthi ay tangkang pagpatay.
Walang atraso ang mga Pilipino sa Hamas at Huthi. Ngunit dinamay ng mga terorista ang mga taga-ibang bansa sa away nila sa mga Israeli. Nagrereklamo sila sa collective punishment ng Israel sa Gaza pero sila naman ay gumagawa ng collective attack sa Israel at dinadamay pati mga banyaga at Pilipino.
Huramentado na rin ang mga Huthi at umaatake na rin sa mga barkong hinala nila ay pag-aari ng kaaway na Israeli. Nitong Linggo, sumampa ang mga teroristang Huthi sa isang barko sa Red Sea at pwersahang dinala ito sa puerto ng Salif sa Yemen, kasama ang 25 tripulante dito na may mga Pilipinong marino.
Sa hijacking ng Galaxy Leader ay dinamay rin ng mga Huthi ang mga Pilipino.
Katulad ng katahimikan ng pamahalaan sa ginawang pagpatay ng Hamas sa apat na Pilipino, hindi rin umiimik ang gobyerno sa pag-atake ng mga Huthi sa Israel.
Hihintayin pa ba nating may mapatay na Pilipino ang mga Huthi bago tayo magsalita?
Kung panay ang sampa ng pamahalaan ng diplomatic protest sa bawat pagbomba ng tubig ng Chinese coast guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard, bakit hindi mabatikos ang ginagawa ng mga Huthi ng Yemen.
Nagbanta ang mga Huthi na huhulihin nila ang mga barkong pag-aari ng Israel na naglalayag malapit sa Yemen at tinotoo nila ang banta sa Galaxy Leader. Unang barko pa lamang ito at maraming Pilipino ang nagpapatakbo ng maraming barkong komersyal kaya malamang ay may mabibiktima pa silang mga marinong Pilipino sa mga susunod na araw at linggo.
Dapat ring tugunan ang bantang ito ng ating gobyerno.