Apatnapu’t isang manggagawang Indiyano na nabitag sa gumuhong lagusan 10 araw na ang nakalilipas ang nakitang buhay sa camera kahapon habang ginagawa pa ang daanan na paglalabasan nila.
Sa endoscopic camera na naibaba sa kinaroroonan nila sa pamamagitan ng tubo, makikita ang mga naka-helmet na minero na balisa, pagod at tinubuan na ng makapal na balbas.
Sa tubo rin pinadaan ng mga rescuer ang pagkain, tubig at hangin para sa kanila.
Habang nakakumpol sa lente ng camera, sinabihan sila ng mga sumasaklolo na huwag silang mag-alala at ilalabas sila ng ligtas, ayon sa video na inilabas ng lokal na otoridad.
“Lahat ng manggagawa ay ligtas,” pahayag ng punong ministro ng Uttarakhand, Pushkar Singh Dhami.
“Ginawa namin ang lahat upang agad mailabas sila ng ligtas,” aniya.
Bago nakapagbaba ng camera sa mga manggagawa, kinakausap sila sa pamamagitan ng radyo.
Gumagamit ng excavator sa pagtanggal ng tone-toneladang lupa, bato at kongkreto sa gumuhong lagusan sa hilagang estado sa Himalaya.
Sinubukang magbaon ng tubo sa 57-metrong kapal ng lupa at bato ang mga inhinyero kung saan daraan ang mga manggagawa kung ito ay itinigil nang hindi kayanin ng boring machine na butasin ang bato.
Itinigil rin ang pagbubutas nitong Biyernes nang may marinig na pag-crack na nagdulot ng takot sa lahat.
Mabagal ang pagsaklolo sa mga manggagawa dahil may nagbabagsakang debris at nasisira ang mga makinang pambutas at kinailangan pang kumuha ng pamalit.
Bahagi ng lagusan ang gumuho noong Nobyembre 12.