Sinabi ng Philippine National Police Forensic Group na may resulta na ang isinagawang DNA test sa dugo at buhok na nakuha sa inabandonang pulang SUV sa Batangas na hinihinalang may kinalaman sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Pero ayon kay PNP Forensic Group public information officer Police Major Rodrigo Sotero Jr., hihintayin pa nila ang ilalabas na official report sa naturang resulta ng DNA test at dagdag niya, ilalahad ang ulat tungkol sa resulta ng DNA test sa Martes.
Una rito, isang pulang SUV ang nakitang iniwan sa Barangay Dumuclay, Batangas City ilang linggo makaraang mawala si Camilon.
May mga blood swab at hibla ng buhok na nakita sa sasakyan. Upang malaman kung kay Camilon ang naturang dugo at buhok, kumuha ng sample ang mga awtoridad sa kaanak ni Camilon para ikumpara.
Ayon sa dalawang saksi, may nakita silang babaeng duguan na inilipat sa isang pulang sasakyan, na tugma ang paglalarawan sa inabandong SUV.
Huling nakita si Camilon na naglalakad sa loob ng isang mall sa Bauan, Batangas noong Oktubre 12.
Sinampahan ng reklamong kidnapping at serious illegal detention ang apat katao, kabilang si Police Major Allan de Castro, Jeffrey Magpantay, at dalawang John Does.
Si De Castro ay sinasabing karelasyon ni Camilon, habang driver-bodyguard umano ni de Castro si Magpantay.
Nasa kostudiya ng mga awtoridad si de Castro, habang patuloy na hinahanap si Magpantay at ang dalawang iba pang kinasuhan.
Sa mga naunang ulat, sinabing inamin umano ni De Castro ang pakikipagrelasyon kay Camilon.