Ang pinaka-magandang Filipina sa buong sansinukob, si Michelle Marquez Dee, pasok bilang top ten finalist sa Ms. Universe na ginanap sa El Salvador.
Si Dee ay lumaban sa top 20 swim suit competition kung saan pula ang kulay ng kanyang one-piece swim suit choice. Fierce, fun loving at confident ang Miss Philippines nating mahal sa importanteng pageant segment.
Sa ikalawang pinaka-mahalagang bahagi ng patimpalak kagandahan, ang inspirasyon para sa kanyang black evening gown ay ang mga artistic tattoo creation ni Apo Whang-Od.
Hindi pinalad si Michelle na maging pang-limang Pilipina na tinanghal at nanalong Miss Universe. Ang apat na Pilipinang Miss Universe ay sina Catriona Gray (2018), Pia Wurtzbach (2015), Margarita Moran (1973) at Gloria Diaz (1969). Ang dalawang Miss Philippines na naging Miss Universe First Runner Up ay sina Miriam Quiambao (1999) at Janine Tugonon (2012).
Ang nanalong Miss Universe ngayong taon ay si Miss Nicaragua Sheynnis Palacios. Ang First Runner Up ay si Miss Thailand Anntonia Porsild at ang Second Runner Up ay si Miss Australia Moraya Wilson.
Bagamat hindi naiuwi ni Michelle ang korona, isa siya sa mga gold winner para sa “Voices for Change” Gold Award at inuwi niya rin ang Spirit of Carnival Award mula sa isa sa pangmalakasang tagapag-tangkilik ng pinaka-prestihiyosong patimpalak kagandahan.
Si Michelle ay anak ni Melanie Marquez, Miss International 1979 at First Runner Up sa 1986 Supermodel Competition at si Derek Dee na isang businessman at dating action star.
Mabuhay ka Michelle Marquez Dee, Filipinas!
***
Ang Southeast Asian Superstar Pop Group, ang SB19, kinansela ang kanilang konsiyerto sa Thailand na dapat ay nangyari nitong Nobyembre 15.
Ang kanilang opisyal na pahayag sa patungkol sa kanselasyon: “We deeply apologize to everyone inconvenienced by this short notice and we are incredibly thankful for your patience and understanding as we navigate and resolve present complexities affecting the tour.”
May dalawa pang konsiyerto ang SB19 sa ibang bansa sa Dubai na ang takdang petsa ay Nobyembre 24 at sa Japan, na mangyayari naman sa Disyembre 9.
Wala pa ring opisyal na pahayag sina Pablo Nase, Josh Cullen Santos, Justin de Dios, Ken Suson at Stell Ajero, na siyang namumuno sa bagong tatag nilang IZ Entertainment, tungkol sa kinahaharap nilang usapin sa dati nilang pamunuan.
Umaasa ang lahat na ang Mahalima at dating namamahala sa kanilang mga karera ay may maging maayos at makatiwiran na pag-uusap at resolusyon.